Marami sa atin ang nakakaramdam na laging kapos, hindi dahil sa isang malaking purchase pero dahil sa mga expenses na naging automatic na at madalas na hindi natin nakikita. Narito ang ilan sa mga pinaka-karaniwang “silent budget killers.”
Subscription Pile-Up
Ilang subscriptions ang binabayaran mo ngayon? Streaming apps, cloud storage, music apps, fitness memberships, news subscriptions. Kung isa-isang tingnan, parang reasonable naman ang presyo. Pero kapag pinagsama-sama na, puwedeng umabot ng ₱1,500 hanggang ₱3,000 ang mga ito bawat buwan, at minsan mas mataas pa, kahit hindi mo naman regular na ginagamit ang iba. Nag-sign up ka lang minsan, tapos tuloy-tuloy na ang charge.
Isang habit na pwede mong simulan ay ang pag check regularly ng iyong credit card o mobile wallet transaction history at isulat lahat ng recurring charges. Malamang may isa o dalawa kang makikitang nakalimutan mo ng binabayaran mo pa pala.
Convenience Fees at Delivery Markups
Napaka-convenient naman talaga ng mga food delivery apps. Pero kadalasan, mas mahal ito kaysa sa pag dine-in or pag-order diretso sa vendor. Kapag pinagsama ang service fee, delivery fee, at surge pricing, ang ₱200 na meal ay mabilis maging ₱320. Kung ilang beses mo itong ginagawa bawat linggo, malaki rin ang magiging epekto nito sa budget mo pagdating ng katapusan ng buwan.
Ganito rin sa bill payments. May ilang platforms na naniningil ng ₱10 hanggang ₱25 convenience fee kada transaction. Mukhang maliit lang, pero kung lima o anim na bills ang binabayaran mo buwan-buwan, mabilis ding lumaki ang total.
Lifestyle Creep
Ito ang isa sa pinaka-hindi napapansing dahilan ng overspending dahil hindi naman ito mukhang mali. Imagine, nagkaroon ka ng salary increase, bagong trabaho, o mas magandang income. Kasabay nito, unti-unti ring tumataas ang lifestyle mo. Mas maraming grocery items, mas madalas na pag-kain sa labas, mas maraming upgrades.
Wala namang masama rito. Ang problema lang ay kapag nanatiling mataas ang gastos kahit bumalik na sa normal ang income o nagkaroon ng bagong financial priorities. Okay lang i-enjoy ang pinaghirapan mo. Siguraduhin lang na pinag-isipan ang bawat upgrade, pag-isipan nang mabuti kung kailangan talaga.
The Forgotten Trials
Ang free trials ay ginawa para ma-convert ka bilang paying customer. May 7-day o 30-day free trials kung saan may naka-save ng automatic payment method. ‘Pag nakalimutan mo nang i-cancel manually, tuloy-tuloy na ang billing sa’yo. Sa halagang ₱99 hanggang ₱499 kada buwan bawat serbisyo, ang ilang nakalimutang subscriptions ay puwedeng umabot sa malaking halaga sa loob ng isang taon.
The Bottomline: All It Takes is a 15-Minute Fix
Hindi mo kailangan ng isang complicated budgeting system para ma-manage ang mga ganitong klaseng expenses. Maglaan lang ng 15 minutes isang beses kada buwan para buksan ang bank app, credit card statement, o mobile wallet history mo. Tingnan kung may charge na hindi mo naman sinadyang gawin. Hanapin rin ang recurring payments na hindi mo nagamit sa nakalipas na 30 days. From there, i-cancel o i-downgrade ang mga hindi mo na kailangan.
Ang ganitong simpleng habit ay pwedeng makabawas ng ₱500 hanggang ₱2,000 sa monthly expenses mo nang hindi naman kailangang baguhin ang iyong day-to-day lifestyle. Minsan, ang kailangan lang ay mas maging aware kung saan talaga napupunta ang pera mo, at pagdesisyunan kung doon mo ba talaga ito gustong ilaan.
Ang impormasyong ito ay pangkalahatan lamang at hindi dapat ituring bilang financial, medical, health, nutritional, o iba pang uri ng professional advice. Kumunsulta sa iyong bancassurance sales executive, o medical o health practicioner, batay sa iyong personal na sitwasyon.