Habang nagkaka-edad tayo, nagbabago rin ang pangangailangan ng katawan natin, kahit hindi natin ito agad napapansin. Madalas, kuntento na tayo sa pagkaing nakasanayan na natin sa loob ng maraming taon. Pero ang totoo, hindi ibig sabihin na ang diet na okay sa’yo noong 20s ka ay siya pa ring pinakaangkop ngayon.
Ang pag-unawa sa nagbabagong nutritional needs ng katawan ay isa sa pinakamagandang magagawa mo para sa long-term health mo. Narito ang ilang nutrition tips na pwedeng makatulong sa pag-alaga mo ng iyong katawan.
KUNG NASA 20s to 30s KA
Ito ang panahon na abala ka sa career, pamilya, o pagbuo ng future mo. Mataas pa rin ang metabolism mo, pero unti-unti na rin itong bumabagal. Ang mga habits na mabubuo mo ngayon ang magiging pundasyon ng kalusugan mo sa mga susunod na taon.
Kumain ng sapat na protein
Hindi basta-basta nabubuo ang muscles. Ugaliing magsama ng protein tulad ng itlog, isda, manok, tokwa, o beans sa karamihan ng meals mo.
Bantayan ang iron intake
Dahil sa busy schedule, di maiwasang mag-skip ng meals. Dahil dito, mas madaling nagkakaroon ng iron deficiency, lalo na ang mga babae. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa iron tulad ng madahong gulay, lean meat, at iron-fortified cereals.
‘Wag kalimutan ang Omega-3 fatty acids
Nakakatulong ang Omega-3 sa kalusugan ng puso at utak, at maaari ring makatulong sa pag-regulate ng mood. Makukuha ito sa bangus, salmon, sardinas, walnuts, at flaxseed.
Huwag matakot sa carbohydrates
Hindi lahat ng carbs ay masama. Mas piliin ang complex carbohydrates tulad ng brown rice, kamote, oats, at whole grains dahil nagbibigay ang mga ito ng mas matagal na energy. Sa kabilang dako naman, ang matatamis na inumin, puting tinapay, at processed snacks ay mabilis magpataas ng blood sugar pero napabibilis din ang pagbaba ng energy.
Iwasan ang fad diets
Mas epektibo pa rin ang balanced diet na binubuo ng whole foods kaysa sa mga crash diet na mahirap panindigan. Ito rin ang mas nakatutulong sa pag-iwas sa diabetes, sakit sa puso, at iba pang chronic illnesses.
KUNG NASA 40s to 60s KA
Sa stage na ito, mas nagiging mahalaga na ang bone health, heart health, digestion, at pagpapanatili ng energy. Mapapansin mo ring mas ramdam na ng katawan ang epekto ng mga kinakain mo.
Huwag kalimutan ang calcium at Vitamin D
Maagang humihina ang bone density. Dairy products, madahong gulay, at tamang exposure sa araw ay malaking tulong para mapanatiling malakas ang mga buto.
Dagdagan ang fiber sa bawat meal
Ang fiber ay nakatutulong hindi lang sa maayos na pagdumi kundi pati na rin sa heart health. Kumain ng mas maraming gulay, prutas, oats, munggo, at iba pang legumes.
Siguraduhing sapat ang Vitamin B12
As we age, mas bumababa ang kakayahan ng katawan na mag-absorb ng Vitamin B12. Isama sa diet ang isda, itlog, gatas, at fortified cereals.
Bawasan ang sodium at asukal
Mas nagiging concern ang high blood pressure at blood sugar habang nagkaka-edad. Isa sa pinakamalaking source ng sodium at sugar ay processed food, kaya iwasan ito. Hindi mo kailangang alisin lahat ng paborito mong pagkain. Ang mahalaga ay maging mas maingat at kumain in moderation.
Kumain ng maliliit na meals
Mas mabigat sa pakiramdam ang malalaking meals kapag bumabagal na ang digestion. Mas komportable para sa katawan ang pagkain ng mas maliit na portions throughout the day.
Uminom ng sapat na tubig
Habang tumatanda, nababawasan rin ang sense of thirst. Ugaliing uminom ng sapat na tubig at iba pang healthy fluids araw-araw.
The Bottomline: Anuman ang Edad Mo, Some Things Stay True
- Mas mabuti pa rin ang pagkain ng whole foods kaysa sa processed foods.
- Ang palaging pag-skip ng meals ay nakadadagdag ng stress sa katawan.
- Ang gulay ay hindi lang dapat pang-side dish. Nakabubuti ito sa overall health mo.
- Hindi mo kailangang baguhin agad ang buong diet mo. Importanteng alamin mo ang pangangailangan ng katawan mo sa ngayon, at maging open ka to adjust sa mga pagbabago nito over time.
Ang impormasyong ito ay pangkalahatan lamang at hindi dapat ituring bilang financial, medical, health, nutritional, o iba pang uri ng professional advice. Kumunsulta sa iyong bancassurance sales executive, o medical o health practitioner, batay sa iyong personal na sitwasyon.